Nang matapos ang coronation ay dumiretso ang lahat sa may palace hall kung saan isasagawa yung grand ball. Pagkapasok na pagkapasok pa lang namin ni Lina ay sinalubong agad kami ng musika na nagmumula kung saan at ng mga naggagandahang mga nakaikot na fairy lights na nakasabit sa kisame na tanging pinanggagalingan ng ilaw sa buong silid kaya naman medyo madilim lalo na't pagabi na rin. Pumwesto kami nila Lina at lieutenant Jared sa isang bakanteng lamesa at umupo sa L-shaped na sofa sa tapat nito. Nagpatingin-tingin ako sa paligid at sinubukang hanapin si Trevas dahil hindi namin siya kasama sa pagpunta rito dahil kinausap siya nung hari pagkatapos ng coronation. Napalingon ako sa may pinto nang may pumasok na nakaitim pero nanlupaypay rin agad ang mga balikat ko nang makitang hindi si Trevas iyon. Teka nga, bakit ko ba siya hinahanap? Napailing-iling ako bago kinuha yung baso sa harapan ko na may lamang wine na kanina pa pala sinerve sa amin ng isa sa mga waiter habang hindi pa naseserve yung main course na iseserve pa mamaya pagkatapos ng sayawan. Biglang nag-iba yung tugtog at rinig na rinig ang tunog ng isang violin kaya naman marami ang pumunta sa gitna ng palace hall at isinayaw yung kani-kanilang partner. Tumayo si Lieutenant Jared sa kinauupuan niya kaya naman sabay kaming napalingon ni Lina sa kaniya. Humarap si Lieutenant Jared kay Lina bago inilahad ang kamay at inaya itong magsayaw. Napairap nalang ako nang walang pagdadalawang isip na inabot ni Lina yung kamay ni lieutenant Jared at iniwan akong mag-isa sa table namin. Kinuha ko yung bote ng wine sa gitna ng table at nagsalin sa baso ko at iinumin na sana iyon nang bigla akong mapatigil nang may mag-unat ng kamay sa harapan ko. Napatitig ako roon sa kamay bago napatingala sa may-ari ng kamay na iyon kaya naman nagtama ang mga paningin namin. "Shall we dance?" Tanong ni Trevas bago mas inilapit pa yung kamay sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero bigla nalang akong napangiti sa sinabi niya bago ko inabot yung kamay niya at hinayaan siyang hilahin ako papunta sa gitna ng dance floor. Pinatong niya sa balikat niya yung kaliwa kong kamay bago pinagsiklop ang kanang kamay ko at ang kaliwang kamay niya habang ang kanang kamay niya ay nakahawak sa may bewang ko. Tinitigan niya ako bago kami mabagal na sumayaw kasabay ng mabagal na musika. "You looked so ganda" Medyo natawa ako sa sinabi niya pero bigla rin akong napatigil nang tinitigan niya lang ako habang tumatawa. Bigla akong umiwas ng tingin nang magtama ang mga paningin namin at bumilis ang tibok ng puso ko. Alam ko kung ano na itong nararamdaman ko... Pero hindi ko alam kung dapat ko pa bang ipagpatuloy ito. "You looked so gwapo" natatawang sabi ko pero hindi pa rin ako tumitingin sa kaniya. Suot-suot na niya ngayon yung damit na pinatahi namin kay Antoine na bagay na bagay sa kaniya kaya naman magkaternong-magkaterno na ang damit namin. "Look at me" bulong ni Trevas pero hindi pa rin ako tumingin sa kaniya at nakayuko lang habang pinapanood ang mga paa naming mabagal na humahakbang kaliwa't kanan. "Alissa" parang may kung anong kumirot sa puso ko nang tawagin niya ako sa pangalan ko. Hinawakan niya ang baba ko at iniharap ako sa kaniya bago siya lumapit at pinagdikit ang nuo namin. Napatitig ako sa mga mata niya na matiim ding nakatitig sa akin bago lumipat ang tingin sa mga labi ko. Halos manghina ang mga tuhod ko dahil sa halo-halong emosyon na nararamdaman ko pero buti nalang ay nakaalalay ang mga braso niyang mahigpit na nakakapit sa bewang ko. "Alissa" tawag niya ulit at halos bumigay na ako dahil sa tindi ng nararamdaman ko. Hindi ko namalayan na unti-unti na pala niyang winawasak ang pader na ibinakod ko sa puso ko noong minsan na akong nasaktan. Hindi ko alam na ganito na pala katindi ang nararamdaman ko na pilit kong itinatanggi nitong mga nakalipas na araw. "Thank you sa pagdating sa mundo ko Alissa" panimula ni Trevas at kasabay noon ay nagsimula ring madurog ang huling pader na ibinakod ko sa puso ko. "Thank you for staying with me kahit na napakarami kong problema" Pinaghiwalay niya ang mga nuo namin bago isinubsob ang mukha sa may leeg ko habang patuloy padin kami sa pagsway. "Alissa... I like you so damn much" Napatingala ako ng kaunti at mariin na napakagat sa pang-ibabang labi ko habang pilit na kinokontrol ang nagwawala kong puso. "I..." Panimula ko pero bago ko pa masabi ang gusto kong sabihin ay bigla akong napatigil. "There's no 'us' Alissa" paulit-ulit na nag echo sa utak ko ang mga katagang iyan na minsan nang sinabi sa akin ni Luke. Alam ko na magkaibang tao si Luke at si Trevas pero hindi ko mapigilan ang sarili ko na matakot na maramdaman ko ulit ang sakit na naramdaman ko dati. Hindi ako nagwala noon, ni hindi ako umiyak pero mas malala pala ang sakit kapag kinimkim mo lang ang lahat. Mas masakit pala kapag tinago mo lang ang nararamdaman mo hanggang sa isang araw ay sumabog ka nalang dahil sobra na. Napaatras ako ng isang hakbang mula kay Trevas at kumawala sa kapit niya. Nagtataka siyang napatingin sa akin pero agad akong tumalikod sa kaniya at naglakad palabas ng palace hall para pakalmahin ang sarili. Narinig ko pa siyang tinawag ang pangalan ko pero dire-diretso lang ako sa paglalakad at hindi lumingon sa kaniya. Hindi ko alam kung saan ako pupunta basta naglakad lang ako nang naglakad hanggang sa wala na akong ibang makitang tao. Napahawak ako sa may poste sa tabi ko at sinubukang kumalma. Pilit kong pinaniwala ang sarili ko na iba si Trevas. Hindi siya kagaya ni Luke at hindi ako ta-traydurin ni Trevas tulad niya pero kahit anong gawin ko ay hindi nawawala ang matinding takot sa dibdib ko. Natatakot ako. Natatakot akong dumating ang araw na kamumuhian ko rin si Trevas tulad ng pagkamuhi na nararamdaman ko kay Luke ngayon at hindi ko alam kung kakayanin ko pa kung nararanasan ko ulit na traydurin ng isa sa mga pinagkakatiwalaan ko. Napatayo ako ng tuwid at napatingin sa paligid. Masyado akong busy kanina sa nararamdaman ko kaya naman hindi ko napansin kung nasaan na akong parte ng palasyo. Malapit na ako sa may courtyard ni Trevas na tinutuluyan namin pero wala masyadong royal servants na dumadaan dahil nga may event na kasalukuyang ginagawa sa palace hall. Maglalakad na sana ako pabalik sa palace hall nang mapatigil ako nang maaninag ko si Luke na nakatayo sa may tapat ng courtyard ni Trevas. Tulala lang siya roon at tahimik na nakatayo at kahit noong biglang magsimulan pumatak ang ulan mula sa langit ay hindi siya gumalaw sa puwesto. Nagsisimula na rin akong mabasa ng ulan pero hindi rin ako gumalaw sa puwesto ko at pinanuod lang si Luke na biglang napabuntong-hininga. Nagsimula siyang maglakad papunta sa direksyon ko pero bigla siyang napatigil nang makita ako. Basang-basa na kami pareho dahil sa malakas na ulan. "Luke!" Sabay kaming napalingon sa tumawag sa kaniya at napakunot ang nuo ko nang makita si Lady Mara na may dalang payong. Napatigil sa paglalakad papunta kay Luke si Lady Mara nang makita ako bago nagtatakang napatingin kay Luke. "Wait for me at the front gates" sabi ni Luke nang hindi inaalis ang tingin sa akin. Nag-aalangan pang napatingin si Lady Mara sa amin bago nagsalita. "Bilisan mo, hinihintay na tayo sa Bauxacel" Lalong napakunot ang nuo ko. Bauxacel? Lumingon si Luke sa direksyon ni Lady Mara at sa unang pagkakataon sa loob ng mahabang panahon, nakita kong ngumiti si Luke. Is he happy? "Mabilis lang" sagot ni Luke kaya naman walang nagawa si Lady Mara kundi maglakad palayo at iwanan kaming dalawa ni Luke. "Who is she?" Tanong ko sa kaniya. "Lady Mara Laxxon" "That's not what I meant" sagot ko sa kaniya. "Sino siya sayo?" "She's my..." Hindi ko alam pero bigla akong nakaramdam ng kaba habang nagdadalawang-isip siya kung sasabihin sakin kung sino si Lady Mara. "She's my new fiancé" Hindi ako agad nakapagsalita at ganon din naman siya. Ilang sandali rin siguro kaming natahimik at tanging tunog ng ulan lang ang maririnig sa paligid. "Babalik kayo sa Bauxacel?" "Yes, nakausap ko na si king Henrick at napag-usapan na ang tungkol sa alyansa" "Are you happy with your engagement with her?" Tanong ko kahit na wala naman akong karapatang malaman. "Yes" walang alinlangan niyang sabi. But you weren't happy when it was me, were you? Napatingin ako sa may sahig at pinanood ang pagtulo ng ulan sa sementong kinatatayuan ko. "You're happy? Why?" Anong meron kay lady mara? Hindi nagsalita si Luke, malamang hindi alam kung anong isasagot. Mas lumakas pa ang ulan at lumamig na ang simoy ng hangin pero pareho pa rin kaming hindi gumalaw sa pwesto. Napatawa ako at ngayon ko lang nailabas ang mga luhang ang tagal ko ring kinimkim. Humalo sa malakas na ulan ang mga luha ko at nagpapasalamat ako roon dahil sa ganitong paraan ay hindi niya makikita ang mga luha ko. "You should hate me, I killed your parents" sinubukan kong titigan sa mga mata si Luke para makita ang emosyong nararamdaman niya habang sinasabi niya ang mga salitang iyon pero nanlalabo ang paningn ko dahil sa pinaghalong luha at ulan na dumadaloy sa mga mata ko. "I do fucking hate you..." Matagal din na natahimik si Luke bago muling nagsalita. "You... take care of yourself" sabi niya bago nagsimulang maglakad palayo at nakarinig pa ako ng isang malakas na kulog pagkatapos ng isang kidlat kaya alam ko na nagteleport na siya pabalik ng Bauxacel kasama si Lady Mara. Napaupo ako sa sahig at pinagpatuloy ang pag-iyak. Hindi ko alam kung bakit ako umiiyak basta alam ko ay ito ang dapat kong gawin. Masakit pa rin pala... Marami kaming pinagsamahan ni Luke. Halos hindi pa nga kami mapaghiwalay noong mga bata kami kaya ganoon nalang katindi ang sakit na nararamdaman ko. Inilabas ko lahat ng hinanakit na naramdaman ko para kay Luke at kasabay naman ng pagkaubos ng luha ko ay ang tuluyang pagkaubos ng nararamdaman ko para sakanya at tuluyan kong pagbitaw sa pag-asa na pwede pang maayos ang lahat.
0 Comments
Leave a Reply. |
AuthorBaubbleGum Archives
December 2020
Categories
All
|