Si prinsipe Alvin ang isa sa mga supporting character sa orihinal na libro. Siya ang bunso sa tatlong prinsipe ng kaharian pero siya ang nakoronahang tagapagmana ng trono dahil maagang namatay ang unang prinsipe at may malubhang sakit naman ang ikalawa dahil sa pagkakalason noong bata pa sila. Akala ng lahat ay sinuwerte lang si prinsipe Alvin kaya siya ang naging tagapagmana pero hindi nila alam na siya mismo ang nasa likod ng pagpatay at paglalason sa mga kapatid niya. Marami ang nagaakala na isang siraulong prinsipe lang si prinsipe Alvin na walang ginawa kundi gastusin ang pera ng kaharian at gumawa ng mga kalokohan pero kaunti lang ang nakakaalam ng katotohanan na palabas lang ang lahat.
"Hello Duchess, hindi ko inaasahan na dadatnan pa kitang buhay dito" "Magandang hapon din sa inyo, prinsipe Alvin" sarkastikong sagot ni Epione kaya naman lalo lang lumawak ang ngisi ni prinsipe Alvin pero bago pa ito makasagot ay inunahan na siya ni Asher. "Anong ginagawa niyo dito, prinsipe Alvin? Hindi ba’t sinabi ko noon na ayaw ko na kayong makita pa?" "Meron bang nagbabawal sa prinsipe ng kaharian na bumisita sa teritoryo ng Caddel?" "Wala pa pero nagbabalak na akong gumawa ng batas tungkol doon" matipid na sagot ni Asher kaya naman napatawa si prinsipe Alvin. Tinignan lang siya ni Asher ng masama bago hinarap si Epione. "Bumalik kana muna sa kwarto mo Duchess-" "Bakit mo naman gustong paalisin agad ang Duchess? Akala ko ba nandito kayo para batiin ako?" Pagpuputol ni prinsipe Alvim sa sinasabi ni Asher kaya naman lalong sumama ang tingin sa kaniya ng huli. "Isa pa, Gusto ko ding mas makilala pa ang babaeng nagtagal ng isang buwan bilang asawa mo. hanggang ngayon hindi parin ako makapaniwaala. Ayos lang naman para sayo na makipagkwentuhan muna sakin hindi ba Duchess Elis?" Ibinuka ni Epione ang bibig niya at magsasalita na sana para sumagot ng 'oo' pero agad siyang napatigil nang mapalingon siya sa direksyon ni Asher. Tahimik lang itong nakatitig sa kaniya pero sa hindi mapaliwanag na dahilan ay naiintindihan niya ang ibig sabihin ng mga tingin nito. "Err... mukang kailangan kong tumanggi-" "Maraming salamat sa pagpayag Duchess" agad na sagot ni prinsipe Alvin bago pa matapos ni Epione ang sinasabi niya at kasabay naman noon ay ang pag pitik niya ng kaniyang daliri na siyang dahilan ng biglang paglaho ni Epione sa tabi ni Asher bago biglang sumulpot sa sofa sa harapan ng prinsipe. "F*ck" bulong ni Epione nang bigla siyang mahilo sa biglaang pagbabago ng kinaroroonan niya. Masyadong natuon ang atensyon niya sa pagkahilo na nararamdaman niya kaya hindi niya napansin na lumawak ang ngiti ng prinsepe nang marinig nito ang pagmumura niya. "Alvin, ano sa tingin mo ang ginagawa mo?" Inis na tanong ni Asher, nakalimutan na na dapat niyang tawagin sa titulo ang prinsipe. Sa isang kisap mata ay nakatayo na siya sa harapan ng prinsipe. Hinila niya yung espadang nakasakbit sa tagiliran nito bago ito itinutok sa leeg ng huli. "Sandale, Kumalma ka lang Duke, hindi ko gagalawin si Duchess Elis." natatawang saad nito kahit na may patalim na nakatutok sa leeg niya at sigurado siyang kung hindi lang dahil sa isa siyang prinsipe, kanina pa siya napatay ng kaibigan niya. Bagamat isa si prinsipe Alvin sa kakaunting bilang ng mga pinanganak na may mana sa katawan at may kakayahang gumamit ng mahika, bihasa sa pakikipaglaban si Asher at kayang kaya siya nitong tapatan. Itinaas ni Alvin ang dalawang kamay niya at nginitian lang si Asher pero kahit anong gawin niya ay hindi inaaalis ng huli ang espadang nakatutok sa leeg. Nakaramdam ng pagkagulat si Alvin. Inasahan na niyang hindi magugustuhan ng Duke ang ginawa niya pero hindi niya inaasahan na aabot sa puntong ito ang galit ng kaibigan niya. Doon niya lang napagtanto na higit pa sa inaasahan niya ang relasyon sa pagitan ng mag-asawang Caddel. "Uhm, Duke…" Ang nagaalalang boses ni Epione ang bumasag sa katahimikang bumabalot sa silid. Nagpapasalamat si Epione kay Asher dahil nagagalit ito para sa kaniya pero hindi niya mapigilang kabahan habang pinapanood ang interaksyon ng dalawang lalaki sa harapan niya. Ayon sa pagkakatanda ni Epione, unang nagkagalit ang dalawa dahil sa kalokohang ginawa ni prinsipe Alvin kay Asher. Ang kalokohan na tinutukoy niya ay ang 'kasal' sa pagitan ni Elis at Asher na siyang hindi naman natuloy sa orihinal na storya. Si prinsipe Alvin ang nag-anunsyo na magbibigay siya ng pabuya o 'wedding gift' sa sino mang pamilya ang 'magkakanlulo' ng anak nila sa kinakatakutang Duke. Ang pamilyang Aquariel ang pamilyang kumagat sa pain ng kalokohan ng prinsipe at si Elis ang naging alay nila. Iyon din ang dahilan kung bakit hindi inaasahan ng prinsipe na maaabutan niya pang buhay si Epione. Bagamat nakaramdam ng pagkairita si Asher sa prinsipe dahil sa ginawa nito, hindi iyon umabot sa puntong pinagtangkaan niyang patayin ang kaibigan niya tulad ng nangyayari ngayon sa harapan ni Epione. Hindi pwedeng hayaan ni Epione na mamatay ngayon si Prinsipe Alvin dahil bukod sa mababawasan ng gwapo sa mundo, may mga mahahalaga siyang papel na kailangang gampanan para umusad ang plot ng storya. "Duke Asher… bakit hindi muna natin pakinggan ang sasabihin ng prinsipe?" Pagpapatuloy ni Epione nang hindi umimik, ni gumalaw ang dalawa. "Tama, bakit hindi mo ibalik sakin yang espada ko at pakinggan ang dahilan ng pagbisita ko?" Sabi ng prinsipe, kalmado parin kahit na anumang oras ay pwede siyang gilitan sa leeg ng lalaki sa harapan niya. "Duke, sigurado ka bang gusto mong ipakita sa Duchess ang pagkademonyo mo?" Agad na natauhan si Asher at unti unting lumayo sa prinsipe. Nagulat siya sa sinabi ng huli at hindi napigilang mapaisip ng malalim. Naimahe niya sa isip niya ang muka ng duchess. Wala na ang mga ngiti nito sa tuwing nakikita siya at napalitan na ito ng takot. Napakunot ang noo niya at kasabay noon, napagtanto niya na hindi na normal ang nararamdaman niya para sa babaeng kailan lang ay tinutukan niya din ng patalim sa leeg. Ibinaling ni Asher ang tingin sa babaeng may mala-gintong buhok. Salungat sa kinakatakutan niya, nginitian siya nito na parang hindi nakita ang ginawa niya sa prinsipe bago bahagyang tinapik ang pwesto sa tabi niya na para bang sinesenyasan si Asher na doon umupo. Agad namang ibinalibag ni Asher ang espada ng prinsipe pabalik sa kaniya bago naglakad papunta sa tabi ni Epione at tahimik na umupo doon. "Tulad nga ng sinabi ko, merong dahilan kung bakit ako nandito. Bukod sa pagbisita sa mahal na mahal kong kaibigan, pinadala ako ng hari para imbitahan si Duke Asher Caddel pabalik sa kapital" Napatigil si Epione sa narinig niya. Hindi niya alam ang tungkol sa bagay na ito. Nabanggit sa libro na para sa selebrasyon ng ika tatlumpu't limang anibersaryo ng pamumuno ng hari, kinailangan ni Asher na manatili muna sa kapital pansamantala pero hindi mabanggit na mangyayari iyon sampung buwan bago ang mismong araw ng anibersaryo. Napakuyom ang kamao ni Epione. Isa sa mga plano niya ang pigilan si Asher na pumunta sa kapital para mapigilan din ang pagkikita nila ni Ianna pero dahil akala niya'y matagal pa bago mangyari iyon, isinawalang bahala niya muna ang tungkol sa bagay na iyon at itinuon ang atensyon sa pagkuha ng loob ni Asher. Sinong magaakala na wala na pala siyang oras? "Anong dahilan?" Hindi agad nakasagot si prinsipe Alvin sa tanong ni Asher. Bahagya siyang ngumisi at ibinaling ang tingin kay Epione bago ibinalik muli kay Asher. Walang salitang lumabas mula sa bibig niya pero alam ni Epione ang ibig sabihin ng tingin na iyon. Malamang, ang dahilan ng pag-imbita ng hari kay Asher pabalik sa kapital ay tungkol sa isang bagay na hindi niya dapat malaman. Kung ganon, hindi lang ang selebrasyon ang dahilan ng pagnanatili ni Asher sa kapital. "Dahil ba iyon sa Casino?" Naestatwa pareho sina Asher at prinsipe Alvin nang marinig ang sinabi ni Epione. Hula lang ni Epione ang sinabi niya pero base sa reaksyon ng dalawa, mukang tama siya. Medyo limot na ni Epione ang bawat detalye na nangyari sa orihinal na storya pero naaalala niya ang tungkol sa Casino na siyang naging dahilan ng pagtindi ng pagaaway sa pagitan ng Caddel at ng Delsaro. Natuklasan ni Asher na ang manager ng Casino na nagngangalang Ken ay isa sa mga tauhang pinadala ng tatay ni Zeriel Delsaro para nakawin ang malaking halaga ng perang kinikita nito. Kumalat din ang balitang may nangyayaring ilegal na transaksyon sa basement ng Casino at dahil si Asher ang may ari nito, nadamay ang reputasyon niya. Totoong ang Delsaro ang nagpadala kay manager Ken pero ang intensyon lang nila ay nakawin ang malaking halagang kinikita ni Asher mula sa casino. Hindi alam ng lahat na ang pamilyang Dawson, ang pamilya ni Ianna pala ang nag-utos kay manager Ken na magsimula ng ilegal na gawain sa basement ng casino at sila din ang nagpakalat ng balita tungkol dito. Intensyon ng pamilyang Dawson na sirain ang reputasyon ni Asher at ibuntong ang sisi sa mga Delsaro. Kasali ang pamilya ni Ianna Dawson sa samahan ng mga gustong patalsikin sa trono ang royal family at dahil si Asher, na siyang may magandang relasyon kay prinsipe Alvin, ay isang banta sa kanila, kinakailangan nila siyang dispatyahin. Sa wakas ng libro, nagtagumpay ang samahan na iyon dahil sa pagpapatalsik sa royal family dahil sa pamumuno ng dalawang bida na sila Ianna at Zeriel. Binitay ang buong royal family kasama si Asher at ang iba pang mga kakampi nila. Iyon ang nakatakdang mangyari pero sisiguraduhin ni Epione na hindi iyon magaganap. "Maniniwala ba kayo… kung sasabihin kong alam ko kung sino ang nasa likod ng kaso tungkol sa casino?" Tanong ni Epione sa dalawang lalaking kausap niya.
0 Comments
Leave a Reply. |
AuthorBaubbleGum Archives
December 2020
Categories
All
|