Kinabukasan, papikit-pikit akong nakinig sa pinag-uusapan sa pulong kasama ang hari at mga namumunong heneral at ministers sa kaharian. Dalawang heneral ang wala ngayon sa pulong dahil nasa borders sila sa silangan at binabantayan ang bawat paggalaw ng mga taga Firlame. Hindi ko na masyadong naintindihan ang pinag-usapan sa pulong dahil inaantok pa ako. Bwiset na Trevas kasi 'to, ginawa akong 'Advisor' niya daw kuno kaya lagi niya akong sinasama sa mga pulong para raw updated ako sa mga nangyayari which is a good thing. Ang ayaw ko lang talaga ay ang paggising ng maaga. Matapos ng ilang oras na pag-uusap at pagtatalo ng mga tao sa silid ay sa wakas, natapos din ang pulong pero ang tanging naalala ko lang sa mga pinag-usapan ay ang tungkol sa coronation day ni Trevas na isasagawa next week. Napaunat ako nang makalabas na kami ng meeting room na nasa may palace hall at walang hiya-hiyang naghikab kahit na nakikita ako ng mga tao na naglalakad din palabas. Wala akong pakialam sa kanila dahil hanggang ngayon ay naiinis pa rin ako sa kanila dahil sa pagtrato nila kay Trevas. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin nila tanggap na si Trevas ang nanalo kesa roon sa Alastor na iyon pero wala naman silang magagawa dahil ang hari na ang nagsabi at nagtakda ng araw ng coronation ni Trevas bilang official na crown prince. Napatigil ako sa paghihikab nang makita ko si Lina sa may pinto at hinaharangan ang daan ni lieutenant Jared na kunot noong nakatingin sa kaniya. "Kailangan kong pumuntang training camp" narinig kong sabi ni lieutenant Jared. "Partner tayo sa grand ball sa coronation day ni Trevas" aya ni Lina at ngayon ko lang naalala na meron nga palang grand ball kinagabihan pagkatapos ng coronation ceremony. "Okay" matipid na sabi ni lieutenant Jared pero sapat na iyon para lumawak ang ngiti ni Lina. "Really? Akala ko hindi ka papayag. Naghanda pa naman ako ng sasabihin kung sakaling hindi ka papayag" "I don't really have a choice, do I?" Tanong ni lieutenant Jared. "Syempre wala, partner mo 'ko sa ayaw at sa gusto mo" natatawang sabi ni Lina pero bigla siyang napatigil nang makita kami ni Trevas di kalayuan. Kumaway siya sa akin at nginitian ako. Lumapit ako sa kaniya pero bago iyon ay hindi ko nakalimutang tignan ng masama si Lieutenant Jared. Kinunutan niya ako ng nuo pero hindi na siya nakapagsalita pa ng kung ano na namang pang-iinsulto sakin nang lumapit din sa amin si Trevas. Sumaludo si lieutenant Jared sa kaniya bago sila nag-usap tungkol sa kung anong bagay na may kinalaman sa training camp. "Kailangan nating mamili ng damit" sabi sakin ni Lina. "Para sa'n?" "Duh, syempre para sa grand ball next week. Balita ko invited lahat ng nobles." "Bakit parang may mas alam ka pa tungkol sa grand ball kesa sakin na kasama sa pagpupulong?" Natatawa kong tanong sa kaniya. "Syempre, Lina lang malakas" sabi niya bago ako hinatak sa braso. "Tara na" "Wait nga, ni hindi nga natin alam kung saan makakahanap ng boutique tapos mag-aaya kang mamili ng damit?" Tanong ko sa kaniya pero bago pa siya makasagot ay biglang sumingit si Trevas sa usapan. "I'll go with you, tutal kailangan ko ring magpatahi ng susuotin" sabi niya. "Really? Sama ka na rin jared, para hindi ako third wheel" aya ni Lina kay lieutenant Jared nang magsimula itong maglakad paalis. "Lina" sinubukan niyang alisin yung braso ni Lina na mahigpit na nakapulupot sa braso niya. "Kailangan kong pumunta sa training camp" "Tyaka mo na puntahan pagkatapos, wala ka pa rin namang susuotin diba?" Napatigil na lang si Lieutenant Jared nang si Trevas na ang magsalita. Napabuntong hininga siya bago napatango at pumayag din na sumama samin. Hindi na kami nag abala pang bumalik sa courtyard ni Trevas at magpalit ng damit at dire-diretso na kaming pumunta sa may main gate ng palasyo kung saan nakahilera sa gilid ang daan-daang karwahe na hindi ko alam kung sino ang gumagamit. May karwahe na maliit at pang-dalawahang tao lang pero meron din namang malalaki na halos nasa anim ang kasya sa loob at bawat karwahe ay magkakaiba ng kulay. Hindi ko alam kung anong karwahe ang sasakyan namin kaya sinundan ko lang si Trevas na tumigil sa tapat ng isang itim na karwahe na may mga disenyong gawa sa ginto. (Carriage pic sa baba) May lalaking nagbukas noong pinto ng karwahe kaya naman pumasok doon si Trevas at sumunod din naman kami nila Lina at lieutenant Jared. Akala ko nung una ay masisikipan kami sa loob dahil mukha siyang maliit sa labas pero kapag nakapasok ka na sa loob ay magugulat ka sa lawak nito na sa malamang ay dahil sa isang mahika. May sinabi pa si Trevas doon sa coachman tungkol sa pupuntahan namin pero hindi ko na naintindihan ang sinabi nila nang mapatulala ako sa may bintana sa harapan ng karwahe. Umaandar na ang karwahe pero imbes na kabayo ay dalawang itim na pegasus ang nagpapatakbo nito. (Pegasus pic sa baba) Kusang bumukas ang gate ng palasyo kahit na walang nagbubukas doon nang makalapit na ang sinasakyan naming karwahe at kusa din itong nagsara nang makalabas na kami pero bigla akong nagulat at napahawak sa braso ni Trevas na nakaupo sa tabi ko nang magsimulang lumipad yung karwaheng sinasakyan namin. Sumasabay sa bawat pagaspas ng pakpak noong pegasus yung paglipad namin kaya medyo nahilo ako buti nalang at bumaba rin kami sa lupa nang makalayo na kami sa bundok kung saan nakatayo ang palasyo ng Beifang. Nag land kami sa maingay at mataong parte ng kaharian. Napansin kong marami ang napapalingon sa amin dahil sa napaka 'gara' ng sinasakyan naming itim at gintong karwahe kumpara sa mga normal na karwaheng nakakasalubong namin na gawa lang sa kahoy pero ang pinaka napansin ko sa lahat ay ang kalagayan ng kaharian ng Beifang. Nakikita kong masagana at masasaya naman ang mga tao sa kahariang ito, ibang-iba sa Bauxacel na kinalakihan ko. Marami kaming nadaanang mga schools and academies na siyang nagtuturo sa mga bata sa tamang paraan at responsableng paggamit ng mga kapangyarihang meron sila. Madami rin kaming nadaanang mga naggagandahan at naglalakihang mga manor ng malalaki at makakapangyarihang pamilya at bibihira lang ako nakakakita ng mga maliliit na bahay o kaya mga pulubing walang matirhan kaya naman masasabi kong maayos ang pagpapatakbo sa kahariang ito. Dahil masyadong natuon ang atensyon ko sa kagandahan ng kaharian ng Beifang ay hindi ko namalayan ang oras at nakarating na nga kami sa aming destinasyon. Tumigil ang karwaheng sinasakyan namin sa tapat ng isang gusali. Meron itong tatlong palapag at purong salamin ang pader nito kaya naman kitang kita mula sa labas ang naggagandahan at nagbobonggahang mga damit na alam ko sa unang tingin palang ay mahal na. Unang bumaba si Lieutenant Jared at at inalalayang bumaba si Lina dahilan para mapairap ako sa kanila pero bigla akong napatigil nang ganon din ang ginawa sa akin ni Trevas. Tinaasan ko siya ng kilay bago tinitigan ang kamay niya na nakaunat sa harapan ko pero inabot ko rin iyon at hinayaan siyang alalayan ako pababa noong mataas na karwahe. Pagkapasok na pagkapasok namin sa boutique ay agad na nataranta yung ibang staff. Napalingon-lingon kami ni Lina sa mga magagarbong damit na nakadisplay sa loob ng mga glass compartment sa loob ng boutique at hindi ko maiwasang mapawow habang pinagmamasdan yung mga damit. Makikinang at ang gaganda sa paningin noong mga damit at hula ko ay mahal ang bawat materyales na ginamit sa bawat damit na nandito tulad noong combat clothes na binigay sa amin ni Trevas pero malamang ay dito rin yun nanggaling. Dire-diretso lang na naglakad si Trevas papunta sa isang kwarto at wala namang pumigil sa kaniya sa mga staff na nadaanan namin kaya sumunod lang kami sa kaniya. Ang kinainis ko lang ay yung mga babaeng staffs na tingin nang tingin kay Trevas at sigurado akong hindi nila siya kilala dahil once na nalaman nilang ang lalaking pinagnanasaan nila ngayon ay ang tinatawag nilang 'demonyo' ay mapapalitan ng takot ang emosyong nasa mga mata nila. Napairap nalang ako bago tumabi kay Trevas. Napalingon siya sa akin habang naglalakad at tinaasan ako ng kilay. "Ba't kasi ang sarap mo sa mata?" Bigla akong napahawak sa bibig ko dahil sa sinabi ko at nakita kong napatigil din sa paglalakad si Trevas. "What?" Tanong niya bago napakagat sa pang ibabang labi na para bang pinipigilan ang sarili na mapangiti. "Anong sabi mo Alissa? Masarap si Trevas?" Tanong ni Lina nang hindi man lang sinusubukang hinaan yung boses kaya napalingon sa amin yung ibang mga staff at customers. "Masarap tignan kasi yun, utak mo talaga eh no" sabi ko kay Lina bago ako nagmamadaling maglakad papalayo dahil nahihiya ako sa sinabi ko. Bibig ko talaga minsan walang preno. "Alissa" "Ano?" Naiirita kong tanong nang tawagin ako ni Trevas at lalo pa akong nairita nang makita kong pare-pareho silang nagpipigil ng tawa. "Saan ka pupunta? Hindi diyan yung daan" nakangising saad ni Trevas bago kinatok yung pinto sa may tabi niya. Napahawak ako sa nuo ko bago naglakad pabalik sa kanila at buti nalang ay bumukas tung pintong kinatok ni Trevas kaya hindi na nila ako inasar pa. Sinilip ko kung sino yung nagbukas noong pinto at nakita ang isang babae na halos kasing tangkad lang ni Trevas kahit na hindi ito naka heels. Mala hourglass ang hugis ng katawan niya at nakasuot siya ng itim na maiksing bistida na mas nag-eemphasize ng curves niya habang ang buhok niya ay naka ponytail. "It's nice to meet you again your highness" bati noong babae sa medyo weird niyang boses. Medyo malalim kasi iyon at garalgal kumpara sa maamo niyang muka. "We need clothes" matipid na sabi ni Trevas pero natawa lang yung babae. "Of course, of course..." Sabi niya bago napalingon sa likod niya. "Lady Mara" Sinundan ko ang tingin niya at doon ko nakita sa loob ng room ang isang babae na may kulay brown at kulot na buhok. Maamo ang mukha niya at halos hindi makabasag pinggan ang kilos nang maglakad siya papalapit sa amin. "Yes Antoine?" Tanong noong 'lady Mara' doon sa babae na sa malamang ay antoine ang pangalan. "Can we reschedule our appointment? Mas nauna kasing magpareserve si His highness prince Trevas kaya hindi kita masisingit sa schedule ko" ngumiti si Antoine gamit ang 'apologetic smile' kay lady Mara pero hindi siya nito agad inimik. Nilipat ni lady Mara ang tingin niya papunta sa amin pero napansin kong mas nagtagal ang tingin niya sa akin sa hindi mapaliwanag na dahilan. "It's an honor to finally meet you prince Trevas" sabi ni Lady Mara bago yumuko ng kaunti at pinagkrus ang paa sa likuran bilang pagbati sa isang royalty. Napatango-tango ako, her postures were great. Halatang-halata na anak ng isang nobility. Medyo na insecure tuloy ako. Anak din kasi ako ng nobility pero dahil puro generals ang angkan ko ay hindi uso samin ang mga etiquettes na karaniwang pinag-aaralan ng isang dalagang babae sa pamilya ng mga nobles kaya ayun. Hindi ako kasing hinhin at kasing graceful ni lady Mara sa bawat kilos niya. "You are?" "Lady Mara Laxxon" napakunot ang nuo ko nang marinig ko ang apelyido niyo. Parang pamilyar. "We don't have to reschedule Antoine, pipili nalang ako ng isa sa mga ready na na damit para mabawasan ang trabaho mo" "Thank you lady Mara, you're such a nice person" sabi ni Antoine na sa tingin ko ay ang dressmaker sa boutique na ito at siyang nagtahi ng mga damit na nakadisplay kanina sa labas. Nginitian siya ni Lady Mara bago sila nagbeso at nagpaalam. Yumuko pa siya sa direksyon namin bago naglakad papunta roon sa mga nakadisplay na damit na nadaanan namin kanina. "Shall we?" Tanong ni Antoine bago kami inaya papasok ng kwarto pero nanatili ako roon sa may pinto at pinanood ang bawat kilos ni Lady Mara na ngayon ay may kausap nang isang staff. "What is it?" Tanong ni Trevas nang mapansin niyang naiwan ako sa may pinto. Sinundan niya ang tingin ko pero bago niya pa marealize kung saan ako nakatingin ay tinulak ko na siya papasok. "Nothing" sabi ko bago ako naglakad papasok. Author's note
1. Carriage / Pegasus
2. Characters Picture
(credits to the owner of these pictures)
0 Comments
Leave a Reply. |
AuthorBaubbleGum Archives
December 2020
Categories
All
|