Ang bigat ng pakiramdam ni Epione at parang may nakabara sa dibdib niya dahilan para hindi siya makahinga. Natapos na niyang basahin yung libro kagabi pero napanaginipan na naman niya ang tungkol dito.
Sa panaginip na iyon, malinaw niyang napanood ang pagkamatay ni Asher. Sa mga huling kabanata ng libro, natuklasan ni Asher na ang tatay ni Ianna na si Count Dawson ang siyang may gawa ng pagkalugi ng pamilya ni Asher noong bata pa siya at ito rin ang nag utos na sunugin ang bahay nila na siyang tumapos sa buhay ng mga magulang niya. Dala ng galit at matinding emosyon, napatay ni Asher si Count Dawson dahilan para maakusahan siya ng pagpatay sa isang noble at sa huli, si Ianna mismo ang nagsagawa ng pagbibitay kay Asher. Sa gitna ng maraming tao sa city square, walang emosyon ang mga mata ni Asher habang hinihintay ang pagwawakas ng buhay niya. Walang luhang pumatak sa mga mata niya kahit noong magtama ang paningin nila ni Ianna, ang anak ng lalaking punot dulo ng lahat ng paghihirap niya. Naglakad si Epione papalapit sa nakaluhod na si Asher. Hindi siya nakikita o naririnig ng mga tao dito sa kakaibang panaginip na ito pero kahit na ganon, hindi niya napigilan ang sarili na yakapin ang walang kibong si Asher. Alam ni Epione na panaginip lang ang lahat ng ito at nangyari lang ito sa isang libro na nabasa niya pero hindi niya napigilang mapaluha para kay Asher. Niyakap niya ito ng mahigpit at doon, sa oras na iyon. Narinig ni Epino ang mga huling salita ni Asher na hindi nabanggit sa libro. “save me…” Napatigil si Epione at dahan dahang humiwalay kay Asher. Sa huling sandali bago nagising si Epione, nagtama ang paningin nilang dalawa. Biglang napamulat si Epione at napaubo nang maramdaman ang paglabas ng tubig sa bibig niya. Naginit ang ilong at mga mata niya at habol ang hininga habang pilit na iniintindi kung ano ang nangyari. Basang basa ang katawan niya at nakaupo siya sa may damuhan. “Mas pipiliin mo ba talagang magpakamatay kesa makasal sakin?” Nanigas sa pwesto si Epione nang marinig niya ang pamilyar na tinig. Malamig at malalim na boses na sa panaginip niya lang naririnig. Agad na tumingala si Epione sa direksyon ng pinanggagalingan ng boses at nanlaki ang mga mata niya nang makita si Asher. Seryoso siyang pinagmamasdan, walang emosyon ang mga mata. ‘Nananaginip ba ‘ko?’ “Marunong ka bang magsalita?” matalim ang titig ni Asher sa kaniya at bakas na sa muka ang pagkairita. “Asher...” halos pabulong na tanong ni Epione, hindi parin sumi sink-in ang mga nangyayari sa utak niya. Madalas sa panaginip ni Epione ay hindi siya nakikita o naririnig ng mga tao pero ngayon, nakatingin ng diretso sa kaniya si Asher at sigurado siyang siya ang kausap nito. Napatigil sa pagsasalita si Asher nang marinig niya ang pagtawag ng babaeng nasa harapan niya sa pangalan niya. Isang kawalan ng respeto ang pagtawag sa pangalan niya ng wala ang titulong ‘duke’ pero bago niya pa ulit maibuka ang bibig niya ay inabot ng babae ang laylayan ng balabal na suot suot niya. Basang basa sila pareho at nagtutulo ang damit nila. “Duchess Elis… let go” matiim na saad ni Asher, hindi niya napigilang magpakawala ng nakakatakot na tingin pero imbes na matakot ay nabalot ng pagkagulat ang mata ng babaeng nakaupo sa damuhan sa harapan niya. ‘Duchess Elis?’ napaisip ng malalim si Epione nang marinig niya ang titulong tinwag sa kaniya ni Asher. Kung tama ang memorya niya, Elis ang pangalan ng mapapangasawa sana ni Asher sa storya pero nagpakamatay ito sa araw mismo ng kasal nila. Walang eksena si Elis sa libro pero nabanggit siya habang pinapakilala ang karakter ni Asher kaya hindi maintindihan ni Epione kung bakit siya tinatawag ni Asher sa pangalang iyon. ‘Wait-’ Napatigil si Epione bago ibinaba ang tingin sa suot suot niya. Basa na ang suot niya pero hindi parin nito matatago ang katotohanang isang puting bistida ang suot niya at bagamat magulo, merong nakakabit na belo sa nagtutulo niyang buhok. ‘Naging ako ba si Elis sa panaginip na ‘to?’ “Kung gusto mong magpakamatay, hindi kita pipigilan basta huwag mong gagawin sa harapan ko” nabalik lang sa kasalukuyan ang atensyon ni Epione nang muling magsalita si Asher. Lumuhod ito sa harapan niya bago pilit na inalis ang kamay niyang nakakapit parin sa laylayan ng balabal na suot nito. Nakaramdam ng kirot si Epione dahil sa higpit ng pagkakakapit ni Asher sa pulsuhan niya pero kasabay noon ay bigla siyang natauhan. Hindi ito isang panaginip. “H-hindi ako nagpapakamatay” mabilis na sagot ni Epione. Hindi niya alam kung totoong nasa katawan siya ngayon ni Elis pero bago niya problemahin iyon ay p-problemahin niya muna ang sitwasyon sa harapan niya. Base sa obserbasyon ni Epione, parehong basa ang damit niya at ni Asher. Ibig sabihin lang noon ay Either, nahulog sila sa ilog o nagtangkang magpakalunod si Epione at sinubukan siyang iligtas ni Asher. Pero mukang mas posibleng mangyari ang panghuli. “Sinasabi mo bang kusang loob kang tumalon sa ilog habang nakasuot ng wedding gown para maglangoy lang imbes na magpakamatay?” sarkastikong saad ni Asher, hindi naniniwala sa sinasabi ni Epione. Ibinuka ni Epione ang bibig at sasagot pa sana nang makarinig sila ng mga yabag ng paa di kalayuan. “Your grace, ano ang ipapagutos niyo?” Napalingon si Epione sa mga dumating. Nakasuot sila ng asul na uniporme at base sa mga nakasabit na espada sa tagiliran nila, sigurado si Epione na miyembro sila ng mga knight na nagtatrabaho para kay Asher. "Samahan niyo papunta sa kwarto niya ang duchess" sagot ni Asher, nakaluhod parin sa harapan ni Epione. "Then-" "Kung magtangka ulit siyang magpakamatay…" Kalmadong sabi ni Asher bago ibinaling ang tingin kay Epione. "Hindi niyo na siya kailangang pigilan" Nanlamig ang buong katawan ni Epione. Bukod sa basa siya at malamig ang simoy ng hangin, malamig din ang mga tingin ni Asher na para bang isang maliit na insekto lang si Epione sa paningin niya at hindi niya kailangang pahalagahan ang buhay nito. Nagsimulang tumayo si Asher para sana umalis na at ipagpatuloy ang trabaho niya sa opisina nang bigla siyang hawakan ng duchess sa braso. "Don't–" Hindi alam ni Epione kung bakit pero pakiramdam niya ay hindi na niya ulit makikita si Asher once na hinayaan niya itong basta basta nalang umalis ngayon at isipin na ang 'Elis' na napangasawa niya ay takot sa kaniya at mas pipiliin pang mamatay kesa mabuhay kasama siya. Hindi alam ni Epione kung nasaan na ang orihinal na Elis at kung babalik pa ba ito basta ang alam niya, hindi siya katulad nito na huhusgahan si Asher nang hindi sinusubukang kilalanin at alamin ang totoo nitong pagkatao. At kung sakali mang nandito talaga siya sa loob ng libro, susubukan niyang ibahin ang mapait na katapusang nakatakda para sa lalaking nasa harapan niya ngayon. "Don't leave…" halos pabulong na sabi ni Epione. Nanginginig na ang katawan niya dahil sa lamig pero mahigpit parin ang kapit niya sa braso ni Asher. Nakaramdam ng pagtataka si Asher habang pinapanood ang babaeng dati'y takot na takot sa kaniya na mahigpit na nakakapit sa braso niya na para bang nakasalalay dito ang buhay niya. Hindi alam ni Asher kung ano ang motibo ng babaeng ito. Kitang kita niya kung paano ito kusang tumalon sa malalim na ilog kaya hindi na dapat niyang paniwalaan ang sinasabi nito pero sa hindi maipaliwanag na dahilan, gustong maniwala ni Asher lalo na nang makita niya ang mga mata ng babae na walang bahid ng takot o pandidiri tulad ng nakasanayan niyang natatanggap. Ibang iba ang mga tingin ng babae kumpara noong bago siya tumalon sa ilog na para bang ibang tao na ang kaharap niya. Napailing iling si Asher dahil sa kakaibang takbo ng isip niya. Walang emosyon ang mga mata ng lalaking nakayuko sa kaniya kaya hindi alam ni Epione kung ano ang naiisip o nararamdaman nito. Bago paman mahulaan ni Epione ang emosyon sa likod ng mala dagat sa lalim na mga mata ni Asher, nanlabo ang paningin niya at isang matinding sakit sa ulo ang naramdaman niya bago siya nawalan ng malay. Isang malamig na kamay ang sumalo sa kaniya pero mas mabuti naring hindi maduming sahig ang pinagbagsakan niya. "Your grace, kami na ang maghahatid kay Duchess Elis–" "No need" matipid na sagot ni Asher bago binuhat ang duchess at dinala sa loob ng kastilyo sa lupain ng pamilyang Caddel.
0 Comments
Leave a Reply. |
AuthorBaubbleGum Archives
December 2020
Categories
All
|