Kilala si Duke Asher bilang isang tuso at kayang gawin ang lahat para makuha ang gusto niya. Walang patunay sa mga usap usapan pero ang katotohanan na lahat ng kumalaban sa kaniya ay namatay at nasira ang buhay ang nagpapatunay na totoo ang mga usap usapan tungkol sa kaniya.
Hindi totoong anak ng isang Caddel si Asher. Bagamat walang batas na nagsasabing bawal manahin ng isang ampon ang titulo at ari arian ng kaniyang magulang, mas pinipili ng mga maharlika na kadugo lamang nila ang magpapatuloy ng kanilang apelyido. Para sa kanila, isang kahihiyan ang ipamana sa isang ampon ang kanilang titulo at mga kayamanan. Hindi naging madali ang buhay ni Asher kahit noong namatay na ang yumaong Duchess Caddel na nagmaltrato sa kaniya noong bata pa siya. Kaliwat kanan ang pagtatangka sa buhay niya ng mga taong gustong agawin sa kaniya ang pagiging duke. Hindi siya pwedeng agad agad na magtiwala at nabuhay siyang laging nasa panganib at hindi dapat ipakita ang takot sa mga tao sa paligid niya. Labing walong taon lamang siya noon. Gayunpaman, walang nakapigil sa kaniya. Lahat ng kumalaban sa kaniya ay pinagbayad niya ng triple sa kung anong naranasan niya. Lahat ng nagtangka sa buhay niya ay namatay kasama ng kanilang buong pamilya. Iyon ang dahilan kung bakit wala nang nagtangka pang agawin sa kaniya ang pagiging duke, pero kapalit noon, kinatakutan siya ng lahat. 'Duke of death' Iyon ang isa sa mga tawag sa kaniya ng mga tao. At ang duke na iyon ang kasalukuyang napangasawa ni Epione. Mag iisang oras nang nakatulala si Epione sa salamin sa gitna ng magarang silid na pinag gisingan niya. Hindi parin siya makapaniwala na nandito siya mismo sa loob ng libro pero hindi mababago ng pagdududa niya ang katotohanang totoo ang lahat ng nasa paligid niya at totoong nasa loob siya ng katawan ni Elis Aquariel. Kahawig ni Elis ang orihinal na katawan ni Epione pero ibang iba ang kulot at makintab na blonde na buhok nito sa dry at sabog na itim na buhok ni Epione. Wala na ang dati'y magaspang niyang kutis at napalitan na ito ng makinis at maputing balat at ang dating itim na mga mata ni Epione ay ngayon ay kumikinam na asul. Tatlong araw na ang nakalipas mula noong unang araw na nagising si Epione sa katawan ni Elis Aquariel pero hanggang ngayon ay hindi parin niya lubos na mapaniwalaan ang lahat ng nangyayari sa kaniya. Kung hindi dahil sa mga ala-ala ng orihinal na Elis na siyang nakahalo din sa memorya niya, aakalain lang ni Epione na panaginip lang ang lahat. Hindi masyadong nabanggit sa libro ang tungkol kay Elis pero dahil sa memoryang nataggap ni Epione mula sa katawan nito, alam niya ang bawat impormasyong kailangan niyang malaman. Si Elis Aquariel ang bunso at nagiisang babae sa tatlong anak nina Count at Countess Aquariel. Ang pamilyang Aquariel ay isa sa mga pinaka mayayamang pamilya sa kaharian. Malaki ang kayamanan nila at sagana ang lupaing pagmamayari nila pero tulad ng sitwasyon sa iba pang mayayaman at maharlikang pamilya, walang pagmamahal na dumadaloy sa dugo nila. Gahaman sa kayamanan ang mag asawang Aquariel kaya naman hindi sila nagdalawang isip na ipakasal ang kaisa isa nilang babaeng anak sa kilalang 'Duke of death' kapalit ng impluwensya at kayamanan ng house of Caddel at ang 'Wedding gift' na ibibigay umano ng crown prince na kaibigan ni Duke Asher sa sinomang mapapangasawa ng huli. Tutol si Elis sa kasal pero ano ngabang magagawa ng isang eighteen years old na dalaga ngayong napagdisisyunan na ng mga magulang niya na ibenta siya kapalit ng pera? At Iyon ang nagtulak kay Elis na tumalon sa malalim na ilog sa araw mismo ng kasal niya imbes na harapin ang kinakatakutan na duke. Hinala ni Epione na namatay ang orihinal na Elis noong tumalon siya sa ilog at sa hindi malamang dahilan, napadpad ang kaluluwa ni Epione sa katawan ni Elis. Anuman ang dahilan noon, buo na ang desisyon ni Epione na subukang ibahin ang mapait na tadhanang nakatakda sa buhay ni Asher. "Save me…" Nanindig ang balahibo ni Epione at nakaramdam na naman siya ng kirot sa dibdib niya nang maalala ang huli niyang napanaginipan bago siya napadpad sa mundong ito. Naalala niya pa kung paanong nagtama ang paningin nila ni Asher sa panaginip na iyon. Hindi sigurado si Epione pero malakas ang kutob niyang may kinalaman ang panaginip na iyon sa kung paano siya napunta sa katawan ni Elis. "Magandang umaga Duchess" bumukas ang pintuan ng magarang silid na kinaroroonan ni Epione at pumasok ang isang matandang babae. Puti na ang buhok nito at kita na sa muka ang palatandaan ng pagtanda pero pinaka kapansin pansin sa kaniya ay ang malumanay nitong tingin at ang matamis na ngiti. "Manang Jema" nakangiting bati ni Epione sa matanda. Si manang Jema ang nagalaga sa kaniya nitong mga nakaraang araw na masama ang pakiramdam niya dahil sa pagtalon ng 'katawan' niya sa malamig na ilog tatlong araw ang nakakaraan. Si manang Jema din ang sumama sa kaniya sa pagikot ikot sa kastilyo ng pamilyang Caddel na ngayon ay bahay narin niya. Napabuntong hininga si manang Jema nang makita ang magandang ngiti ng labing walong taong gulang na babae sa harapan niya. Tatlong araw na ang nakakalipas mula noong napangasawa nito si Duke Caddel pero ni minsan ay hindi siya binisita nito. Akala ni manang Jema ay may pag asa pang mabago ang malamig na paguugali ng Duke noong marinig niyang ang Duke mismo ang nagbuhat sa Duchess nang mawalan ito ng malay pero hanggang doon nalang pala ang lahat. "Abala pa din ba si Duke Asher, manang?" Malumanay na tanong ni Epione nang magsimula si manang Jema sa pagaayos sa buhok niya. "Abala? Ni hindi ko nga alam kung gaano karaming trabaho yung kailangan niyang gawin para magkulong siya sa opisina at doon matulog imbes na dito sa kwarto niyo bilang mag-asawa. Wala talagang konsiderasyon sa ibang tao yung lalaking 'yon" Napatawa si Epione habang pinapakinggan ang walang tigil na pagbubunganga ni manang Jema tungkol kay Asher. Sa nakalipas na mga araw na nakasama ni Epione ang matanda, natuklasan niya na bukod sa kakaunti lang ang trabahador sa malaking kastilyo ng pamilyang Caddel, karamihan sa kanila ay matatanda hindi tulad ng ibang mga aristocrat family. Ito ay dahil sa ilan lang ang nagtatagal sa pagtatrabaho sa ilalim ng 'Duke of death'. Hindi agad nagtitiwala sa iba si Asher lalo na sa mga katulong dahil ilang beses na siyang nakahuli ng mga katulong na ipinadala ng mga kaaway niya para pagtangkaan ang buhay niya. Iyon ang dahilan kung bakit hindi maganda ang turing ng Duke sa mga nagtatrabaho sa ilalim niya maliban nalang sa mga piling tao tulad ni manang Jema at ni Butler Hans na matagal na panahon nang nakasama ni Asher. "Duchess, pwede ba 'kong magtanong?" "Ano 'yon manang?" "Anong… opinyon niyo tungkol kay Duke Asher, my lord?" "..." "Hindi niyo kailangang sagutin kung-" "He's very strong" "...!" Napatawa si Epione nang makita ang gulat sa muka ni manang Jema. Malamang ito ang unang beses na positibong bagay ang sinagot ng sinoman sa tanong na iyon. "Para sa akin, isang kahanga hangang tao ang sinomang makalagpas sa lahat ng napagdaanan ng duke" nakangiting saad ni Epione na siya namang lalong ikinamangha ni manang Jema. Hindi sikreto sa mga tao ang tungkol sa mga pinagdaanan ni Asher. Alam ng lahat ang pinagdaanan niya para makarating siya sa posisyon niya ngayon maliban nalang sa katotohanang si Asher ang anak ng baron at baroness Veniz na siyang namatay sa sunog ilang taon na ang nakakaraan pero mas nanaig sa lahat ang katotohanang maraming dugo ang dumanak sa kamay ng Duke. Hindi napigilan ni manang Jema ang mga ngiti niya. Tinanong niya sa Duchess ang tanong na iyon para malaman kung gaano kalala ang takot nito sa Duke na kinakatakutan ng lahat pero hindi niya inaasahan ang sagot nito. Walang kamalay malay si Epione na dahil sa mga salita niyang iyon, nakuha na niya ang loob ni manang Jema. "Ah, bigla kong naalala Duchess. Tuwing hapon, nagpapasok kami ng tsaa sa opisina ni Duke Asher." "Uh-huh" "Bakit hindi ikaw ang magdala ng tsaa ngayon araw Duchess?" "Can I?" "Yes Duchess, tutal mukang walang planong bumisita dito ang Duke, bakit hindi ikaw ang bumisita sa kaniya?" "..." sandaling napaisip si Epione. Kating kati na siyang makita si Asher nitong mga nakaraang araw pero dahil masama ang pakiramdam niya at hindi parin siya makapaniwala sa mga nangyayari, wala siyang oras at lakas ng loob para hanapin ito. "Ok…" Lumawak ang ngiti sa mga labi ni manang Jema nang marinig ang sagot niya. "Kung gayon, hayaan niyong ayusan ko kayo Duchess. gagawin ko kayong pinakamagandang noblewoman na nasilayan ni Duke Asher nang pagsisihan niya ang hindi pagbisita sayo nitong mga nakaraang araw" Tulad ng sinabi ni manang Jema, binihisan at inayusan niya si Epione hanggang sa puntong hindi na halos mamukaan ni Epione ang nasa salamin. "Is it really ok?" Tanong ni Epione kay manang Jema nang makarating na sila sa harapan ng pintuan ng opisina ni Asher. "Wala namang batas na nagbabawal sa isang Noblewoman na magdala ng tsaa sa asawa niya pero kung labag sa loob niy-" "Anong meron dito?" Naputol ang sinasabi ni manang Jema biglang sumulpot ang isang lalaking nakasuot ng isang bilog na salamin. Tulad ng kay manang Jema, May puti narin sa buhok ng lalaki pero mukang mas bata ito ng ilang taon. Walang makikitang dumi o kusot sa pormal niyang damit at maayos ang mahaba niyang buhoknia nakapusod sa likod. "Butler Hans" bati ni manang Jema at doon lang napagtanto ni Epione na ang lalaki sa harapan niya ay ang isa sa mga nagtulak kay Asher na patayin ang yumaong Duchess Caddel. Tumango si Butler Hans sa direksyon ni manang bago inilipat ang tingin kay Epione. "Magandang hapon Duchess, anong kailangan niyo at napadpad kayo dito?" Kalmado ang boses ng butler na para bang nagtatanong lang talaga siya pero pansin ni Epione ang matalim itong mga tingin na para bang nagdududa sa kung ano ang pakay niya sa pagpunta dito. Ngumiti si Epione baka bahagyang itinaas ang tray na hawak hawak niya. "Ihahatid lang namin sa Duke ang tsaa na tinimpla namin ni manang Jema para sa kaniya" Inilipat ng butler ang matalim na tingin mula kay Epione papunta sa tray na naglalaman ng mga tasa at tsarera* na naglalaman ng tsaa. "Hindi niyo kailangang personal na ihatid iyan, my lord. pwede niyo namang ipadala sa mga katulong-" "No it's ok. Tutal ilang araw nadin mula noong huli kong nakita ang duke" nakangiting sagot ni Epione sa kabila ng matalim na tingin ng butler. Alam niya ang ugali ng butler base sa libro. Tulad ni Asher, hindi din agad nagtitiwala ang striktong butler kaya naiintindihan niya kung bakit ganoon nalang ang pagtutol nito sa kagustuhan niyang personal na dalhin ang tsaa para sa Duke. "Hindi mo naman siguro pinagdududahan na lalasunin ko si Duke Asher hindi ba?" Nanlaki ang mga mata ng butler nang marinig ang sinabi ni Epione pero mas lalo niyang ikinagulat ang sunod nitong sinabi. "Alam ko na busy ang Duke nitong mga nakaraang araw dahil sa trabahong naipon habang inaasikaso niya ang tungkol sa kasal, gusto ko lang siyang gawan ng pabor bilang pagpapasalamat sa kasipagan at katapatan niya sa pamamalakad dito sa Dukonim* ng Caddel" Hindi maganda ang impresyon ni butler hans sa Duchess na napangasawa ni Duke Asher dahil sa ginawa nitong pagtalon sa ilog noong araw ng kasal pero dahil sa mga salitang narinig niya ngayon mula dito, gumanda ang opinyon niya tungkol dito. Akala ni butler hans ay nandito ang Duchess para magwala at magreklamo dahil sa hindi pagbisita ng Duke kahit na 'honeymoon' dapat nila bilang mag asawa. Akala niya ay isang isip bata at spoiled na noblewoman ang napangasawa ng Duke pero hindi niya inaasahan na bukod sa hindi ito takot sa Duke, alam niya ang tungkol sa tambak na trabaho ng Duke na siyang dahilan ng pagiging busy niya nitong mga nakaraang araw. "Kung hindi ka padin kumbinsido butler, pwede kong tikman muna ang tsaa bago-" "Hindi na kailangan, my lord" sa unang pagkakataon, may ngiting namuo sa mga labi ng Butler. "Sigurado akong si Duke Asher ang unang makakaalam kung may mali sa tsaa na ipapainom mo sa kaniya" Napangiti si Epione nang mapansin ang biglang pagbabago ng ugali ng butler sa kaniya. Mukang nagtagumpay siyang makuha ang loob ng isa sa mga pinagkakatiwalaang tauhan ni Asher. "Kung ganon, maari mo na ba kaming papasukin?" "Syempre naman Duchess" sagot ng butler bago binuksan ang pinto sa harapan nila at sinenyasan si Epione na pumasok. "Gusto mo bang samahan kita, my lord?" Umiling si Epione sa alok ni manang Jema. "Huwag kang magalala manang, kaya kong mag isa" saad ni Epione bago siya nagsimulang maglakad papasok ng opisina. Footnote:
0 Comments
Leave a Reply. |
AuthorBaubbleGum Archives
December 2020
Categories
All
|